
Nagpahayag ang mga senador ng kahandaan na suportahan ang bagong talagang DPWH Secretary Vince Dizon.
Ayon kay Senate President Chiz Escudero, batid nilang malaking hamon ang kakaharapin ni Dizon pero ito ay pagkakataon na rin para maipatupad ang long-overdue na reporma sa ahensya.
Sinabi ni Escudero na nakahanda ang Senado na suportahan ang repormang isusulong ni Dizon para matiyak na ang mga public works ay maihahatid ng epektibo, transparent at may full-accountability.
Maging si Senator Loren Legarda ay tiniyak na nakahanda ang mga senador na tumulong kay Dizon para makamit nito ang kanyang layunin para sa transparency at pagtataguyod ng ikabubuti ng publiko.
Tiwala naman si Senate Majority Leader Joel Villanueva na malaking papel ang gagampanan ng Kalihim para linisin ang ahensya tulad sa ginawa nitong aksyon at pagdidisiplina sa Department of Transportation (DOTr).
Sinabi naman ni Senator Erwin Tulfo na nakita naman ng lahat kung paano kumilos si Dizon sa DOTr na kapag may reklamo ay hindi nito pinapatagal at inaaksyunan agad.
Umaasa rin ang senador na matutuldukan na sa pamunuan ni Dizon ang sabwatan ng mga kontratista, ilang opisyal ng DPWH, at iba pang public officials sa mga ghost projects.










