Mga senador, hindi kailangang kumuha ng travel authority kung personal ang lakad ayon kay SP Sotto

Nilinaw ni Senate President Tito Sotto III na hindi kailangan ng mga senador o ng mga empleyado ng Senado na mag-secure o kumuha ng travel authority sa mga personal na biyahe.

Ito ang binigyang-diin ni Sotto matapos na sumulat ang Office of the Ombudsman sa opisina ng Senate President na humihiling na huwag bigyan ng travel authority si Senator Jinggoy Estrada na dawit sa maanomalyang flood control projects.

Ayon kay Sotto, hindi pa niya natatanggap ang sulat mula sa Ombudsman pero aniya agad silang tutugon dito.

Tinukoy pa ni Sotto na noon pang 2016 isinaayos ang travel rules sa mga senador.

Aniya, ang mga miyembro ng Senado at mga opisyal ng legislative department ay hindi obligadong kumuha ng travel authority para sa mga personal na lakad sa ibang bansa.

Iginiit ni Sotto na tanging mga official travel ang kailangang aprubahan ng Senate President alinsunod na rin sa Senate Policy Order no. 2016-003.

Punto pa ni Sotto, ang requirements sa travel authority sa ilalim ng Executive Order 459 ay hindi nag-a-apply sa mga opisyal at empleyado ng Kongreso, Judicial o ng constitutional commissions dahil mayroon silang internal rules at ang mga korte ay batid ang nasabing polisiya.

Facebook Comments