Duda ang mga senador sa inilabas na report ng Department of Education (DepEd) na halos isandaang porsyento ng mga estudyante sa buong bansa ang pumasa sa first quarter ngayong School Year.
Ayon kay Senate Committee on Basic Education Chairman Sen. Sherwin Gatchalian, hindi sila kumbinsido sa DepEd report lalo na’t maraming problema ang kinaharap ng distance learning.
Sa nasabing report ng DepEd na isinumite sa Senado ay nasa 14.5 million mag-aaral mula grade 1 hanggang grade 12 ang nakakuha ng passing grade kung saan higit 126,000 lamang ang bumagsak.
Samantala, sa interview ng RMN Manila sinabi ni Teachers Dignity Coalition Chairperson Benjo Basas na pabor silang magsagawa ng pilot face-to-face classes sa mga lugar na halos wala nang naiitalang kaso ng COVID-19
Kaugnay nito, sinabi ni Cabinet Secretary Karlo Alexei Nograles na ang DepEd mismo ang mamimili ng mga lugar na papayagan na ang pilot face-to-face classes.
Paliwanag ni Nograles, hindi papayag si Pangulong Rodrigo Duterte na bumalik na sa face-to-face classes hangga’t hindi pa umaabot sa dalawang milyong Pilipino ang natuturukan ng COVID-19 vaccine.