Mga senador, hindi pabor sa apela ni Presidential Adviser for Poverty Alleviation Larry Gadon na isama ang political provisions sa Cha-cha

Hindi pinaburan ng mga senador ang panawagan ni Presidential Adviser for Poverty Alleviation Larry Gadon na isama sa pag-amyenda ng Konstitusyon ang political provisions.

Ayon kay Senator Sherwin Gatchalian, kapag isinama sa charter change (Cha-cha) ang pag-amyenda sa political provisions ay huwag nang tangkain na pag-usapan pa ang Cha-cha.

Aniya, kung may aayawan man ang taumbayan sa Cha-cha ito ay ang term extension o ang pagpapalawig sa termino ng mga opisyal na kasalukuyang nakaupo sa pamahalaan.


Hiniling naman ni Senate Minority Leader Koko Pimentel kay Gadon na mas makabubuting alisin nito sa kaniyang isipan ang Constitutional amendments at tanungin kung anong mga hakbang niya para maalis sa kahirapan ang taumbayan.

Sinabi naman ni Senator Nancy Binay na wala naman sa resolusyon ang tungkol sa pag-amyenda sa political provisions kaya hindi ito mapag-uusapan ng mga mambabatas.

Dagdag naman ni Senator Cynthia Villar, batid naman ng lahat na ayaw niya sa Cha-cha dahil maayos naman ang lahat at tigilan na nila ang pag-aaway dahil lamang dito.

Facebook Comments