
Iginiit ni Senator Imee Marcos na dapat pangunahan ng mga mambabatas ang pagsasagawa ng lifestyle check.
Sa gitna na rin ito ng utos ni Pangulong Bongbong Marcos na isailalim sa lifestyle check ang mga opisyal ng Executive department matapos ang kontrobersyal na mga ghost projects.
Ipinunto ni Sen. Marcos na bilang mga senador ay dapat maging magandang halimbawa sila sa ibang mga politiko.
Paliwanag ng mambabatas, bilang sila ay tumatayong lider ng bansa ay dapat maging lider din sila sa pangunguna sa anumang lifestyle at iba pang pagsusuri sa pamahalaan.
Kahit aniya ang pagsasapubliko ng Statement of Assets Liabilities and Networth (SALN) ay dapat na pangunahan ng mga senador dahil public document naman ito.
Sa kabilang banda, binigyang-diin pa ni Sen. Marcos na hindi lamang sa lifestyle check matatapos ang isyu ng flood control projects kundi dapat ay may maimbestigahan at maparusahan ding opisyal.









