Labis na ikinalungkot ng mga Senador ang pagbagsak ng C-130 plane sa Jolo, Sulu kung saan 50 ang nasawi at mahigit 40 ang sugatan.
Diin ni Senate Committee on National Defense and Security Chairman Senator Panfilo Ping Lacson, makabubuting ipagdasal muna ang mga nasawi at ipanalangin ang agarang paggaling ng mga nasugatan.
Diin ni Lacson, dasal muna bago pag-isipan ng senado na gamitin ang oversight power nito o bago ikonsidera ang pag iimbestiga sa pagbili ng air assets ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa ilalim ng modernization program nito.
Bukod sa panalangin ay pinamamadali naman ni Senator Grace Poe ang tulong ng pamahalaan sa mga biktima ng trahedya.
Diin pa ni Poe, ang pagkasawi ng mga Sundalo ay paalala sa kanilang katapangan at mga sakripisyo para magampanan ang tungkuling paglingkuran ang bayan at sambayanang Pilipino.
Nanawagan din ng panalangin si Senator Joel Villanueva para sa agarang paggaling ng mga survivor sa aksidente at para sa buong Sandatahang lakas.
Nagpasalamat naman si Senator Koko Pimentel sa ibinigay na serbisyo sa mamamayang Pilipino ng mga sundalong nasawi at nasugatan sa malagim na aksidente.
Humiling din si Pimentel ng patuloy na panalangin para sa ating mga sundalo at kanilang mga pamilya.