Ibinalik ng ilang senador sa mga kongresista na sila talaga ang ayaw umalis sa kanilang comfort zone kaya pilit na isinusulong ang Charter Change.
Naunang sinabi ni Cong. Ace Barbers na kaya umano ayaw ng mga senador na amyendahan ang Konstitusyon ay dahil ayaw nilang umalis sa kanilang comfort zone.
Pero pagbibigay-diin ni Senator Chiz Escudero, sa kanyang pagaakala ay economic provisions lang ang nais ng mga kongresista na amyendahan na suportado naman ng mga senador kaya’t ipinagtataka niya kung ano ang tinutukoy ni Barbers na comfort zone.
Sinabi naman ni Senator Joel Villanueva na nahuhuli talaga sa bibig ang mga kongresista dahil palagi na lamang pinalalabas na kunwari ay intresado lang sila sa pag-amyenda sa economic provision ng saligang batas pero pang-apat na aniya si Barbers sa mga nahuhuli ukol sa ibang agenda nila sa pagsusulong ng Cha-Cha at ito ay para mapalawig ang kanilang termino.
Iginiit naman ni Senator Nancy Binay na ang pagamyenda sa saligang batas ay dapat sa tamang dahilan, hindi pangpersonal at hindi para lang sa iilan.