Mga senador, imumungkahing sa Agosto 4 na lamang umpisahan ang impeachment trial laban kay VP Sara

Irerekomenda ng ilang mga senador na sa Agosto 4 na lamang simulan ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Senator Joel Villanueva, wala pang itinakdang schedule para sa pagsisimula ng paglilitis pero batay sa kanilang mga pag-uusap ito ang posibleng mapagkasunduan ng mga senator-judge.

Tiyak aniyang tatanungin pa sila tungkol dito ni Senate President Chiz Escudero at kung si Villanueva ang tatanungin ay pabor siyang simulan ang impeachment trial isang linggo matapos ang SONA ni Pangulong Bongbong Marcos.

Paliwanag ni Villanueva, kailangan pa kasi nilang iorganisa ang kanilang mga sarili para sa paghahalal ng lider ng 20th Congress at pagsasaayos ng mga komite at ganito rin ang gagawin ng Kamara.

Kapag naman naplantsa na ito ay saka pa lamang sila makakatutok sa impeachment trial laban kay VP Sara kung saan manunumpa ang mga bagong senator judge, magko-convene ang impeachment court at makakapagprisinta ng kanilang mga ebidensya ang depensa at prosekusyon.

Facebook Comments