Mga senador, ipinagmalaki ang tagumpay ni Pacman

Manila, Philippines – Sa simula pa lamang ay buo na ang tiwala ni Senate President Tito Sotto III na matatalo ni Senator Manny Pacquiao ang American boxer na si Adrien Broner.

Pagmamalaki naman ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, muling ipinamalas ni Pacquiao sa buong mundo ang taglay nitong superhuman strength at super human heart na pawang mga katangian ng isang tunay na kampeon.

Katulad ni Zubiri ay iginiit ni Senator JV Ejercito, na pinatunayan ni Pacquiao na kahit 40-anyos ay nagwagi pa rin sya dahil sa tiwala sa Diyos, determinasyon, disiplina at pagsisikap na malampasan ang anumang laban.


Naniniwala naman si Senator Cynthia Villar na sa edad 40, ay taglay pa rin ni Pacquiao ang puso at lakas ng isang kampeon.

Sabi naman ni Senator Nancy Binay, muling ipinakita ni Pacquiao kung bakit nananatili siyang bayani sa puso ng mga Pilipino.

Diin naman ni Senator Joel Villanueva, muling pinagkaisa ni Pacquiao ang bansa.

Nagpasalamat naman si Senator Sonny Angara sa karangalan, kasiyahan at pride na ibinigay sa ating lahat ni Pacquiao na muling nagpatunay sa matinding galing niya sa boxing.

Umaasa naman si Senator Bam Aquino na magsisilbing inspirasyon para sa mga Pilipino ang panibagong tagumpay ni Pacman para kayanin ang anumang pagsubok sa buhay.

Pahayag naman ni Senator Richard Gordon, isang magandang simula ng 2019 ang tagumpay ni Pacquiao para sa ating lahat at patunay din ito na tayong mga Pilipino ay “warriors of worth.”

Facebook Comments