Mga senador, kinokondena ang pagpaslang sa radio broadcaster sa Misamis Occidental; panukala para sa proteksyon sa mga Filipino journalist, inihain

Mariing kinokondena ng ilang senador ang pagpaslang sa radio broadcaster sa Misamis Occidental na si Juan Jumalon o mas kilala bilang “DJ Johnny Walker”.

Sinabi ni Senator Ramon Bong Revilla Jr., na nakakagalit at nakakalungkot ang pagpatay sa radio host lalo’t ginawa ang pagbaril habang nagpoprograma sa kanyang istasyon sa loob ng kanyang tahanan.

Aniya, ang naturang krimen ay tahasang paghamak sa kalayaan sa pamamahayag kaya naman hinahamon niya ang mga law enforcement agencies sa pangunguna ng ating mga pulis na bilisan ang pagkilos para papanagutin na agad sa batas ang nasa likod at utak ng pag-atake sa radio broadcaster.


Kinalampag ni Revilla ang mga awtoridad na kailangang may managot sa lalong madaling panahon dahil lalong tumatapang ang mga kriminal at hindi na natatakot sa batas.

Samantala, inihain naman ni Senator Mark Villar ang panukala para paigtingin ang proteksyon ng mga Filipino journalist matapos ang pananambang at pagpatay sa radio broadcaster.

Sa ilalim ng Senate Bill 2335 ay bibigyan ng dagdag na insurance coverage ang mga mamamahayag at mga empleyado ng media companies tulad ng disability at death benefits, reimbursement sa mga nagastos sa ospital habang ang mga freelance journalist ay mayroon namang lilikhaing programa sa kanila sa ilalim ng Social Security System (SSS) at Government Service Insurance System (GSIS).

Umaasa si Villar na sa pamamagitan ng panukalang batas na ito ay maipapaabot ng Senado ang tulong na kailangan ng mga journalist at kanilang mga pamilya upang maitawid ang bigat ng gastusin sa pagkakasakit at pagkasawi sa ganitong uri ng larangan.

Facebook Comments