Kinukundena ng mga senador, ang panibagong insidente ng pangha-harass ng China sa Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS).
Ito’y matapos na bombahin ng tubig ng China Coast Guard (CCG) at Chinese maritime militia vessels ang mga barko ng bansa na nasa gitna ng resupply mission sa Ayungin Shoal kahapon habang noong Sabado naman ay binomba rin ng tubig ng CCG ang barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) habang nagsasagawa ng humanitarian support para sa ating mga mangingisda sa Scarborough Shoal.
Giit ni Senate Committee on Defense and National Security Chairman Senator Jinggoy Estrada, na hindi dapat nangyayari ang mga aksyon ng China sa ating bansa.
Malinaw aniyang paglabag ito sa karapatang pantao, sa batas ng dagat at nagpapakita ng kawalan ng paggalang sa soberenya ng bansa.
Nanawagan si Estrada, sa Pilipinas at China at sa iba pang mga bansa na makiisa sa isang makabuluhang dayalogo para tugunan ang pinakaugat ng mga nangyayaring insidente sa karagatan.
Hinimok ng senador ang gobyerno, na ituloy ang mga pamamaraan na nagsusulong ng kooperasyon, pagkakaunawaan at paggalang sa karapatan ng bawat isa tungo sa ikatatatag at seguridad sa rehiyon.
Binigyang diin naman ni Senate Majority Leader Joel Villanueva, na walang karapatan ang China na pigilan at harangin ang ating mga misyon sa loob mismo ng ating mga teritoryo.
Dagdag ni Villanueva, kahit gaano pa karami ang armas o kalalaki ang barko ng China ay hindi naman mababago ang katotohanan na pilit nilang inaagaw ang teritoryo ng Pilipinas.