Susubukan ni House Committee on Constitutional Amendments Chairman at Cagayan de Oro City Representative Rufus Rodriguez na himukin ang mga senador na suportahan ang charter change o pag-amyenda sa 1987 Constitution.
Inamin ni Rodriguez na kung walang suporta ng mga Senador ay hindi uusad ang itinutulak na Chacha ng Kamara.
Sa ilalim ng inaamyendahang probisyon ng Saligang Batas, isinusulong na may maitalagang tig-tatlong Senador sa bawat isa sa 9 na rehiyon sa bansa.
Pero sa panig ng mga Senador ay hanggang limang taon lang ang panunungkulan ng mga ito na may tatlong termino.
Paliwanag naman ni Rodriguez sa pagtatalaga ng mga senador sa bawat rehiyon, kailangan ito para sa pagsusulong ng interes at kapakanan ng mga mamamayan lalo na sa paglalaan ng pondo ng rehiyon.
Iginiit pa nito na hindi matatawag na redundancy o nauulit na trabaho ng kongresista ang pagiging kinatawan din ng mga senador sa mga rehiyon dahil maaari naman nilang ipursige ang sariling adbokasiya para sa kanilang nasasakupan.