Masayang-masaya si Senator Sherwin Gatchalian sa naging anunsyo ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. na tuluyang i-ban ang POGO.
Ayon kay Gatchalian, kung bibigyan niya ng grado si Marcos ay 101 percent o 10/10 dahil napakatiyak ng mensahe ng pangulo lalo’t nahaharap tayo ngayon sa problema ng POGO.
Bukod dito, sinabi ng senador na “loud and clear” ang talumpating narinig mula kay PBBM dahil bukod sa POGO ay malinaw rin ang naging mensahe ng presidente sa West Philippine Sea na atin ito.
Pinag-aaralan ni Gatchalian kung itutuloy pa ang panukala na i-ban ang mga POGO dahil kung walang batas ay maaaring ibalik muli ang mga POGO kapag iba na ang presidente ng bansa.
Para naman kay Senator Grace Poe, mukhang nakikinig talaga ang presidente sa hinaing ng taumbayan dahil tinugunan ang agrikultura, teritoryo at POGO.
Inamin din ni Poe na pinakamasaya sila sa anunsyo laban sa POGO dahil ito ay nagiging pugad na ng kriminalidad sa bansa.
Samantala, kung nitong bago mag-SONA ay hindi pa matiyak ni Poe ang grado na ibibigay kay Marcos, ngayon ay 98 percent na grado na ang ibinibigay niya sa pangulo dahil sa malinaw na aksyon sa POGO.