Manila, Philippines – Agad na nagpahayag ng matinding tuwa at pasasalamat sina Senators Ralph Recto, Tito Sotto III, Chiz Escudero, Sonny Angara, JV Ejercito, Nancy Binay at Bam Aquino sa paglagda ni Pangulong Rodrigo Duterte sa free higher education act.
Para kay Senator Sotto, isang magandang araw ito para sa edukasyon sa ating bansa.
Diin naman ni Senator Escudero, na syang chairman ng committee on education, ang hakbang ng Pangulong Duterte ay isa sa legacy na iiwan ng kanyang administrasyon.
Sabi naman ni Sen. Ejercito na isa sa may akda ng batas, pakikinabangan ito ng mga mahihirap at karapat dapat na mga estudyante.
Dagdag pa ni Ejercito, ito ay isang investment para lalo pang paghusayin ang mamamayang Pilipino.
Nagpasalamat naman si Senator Angara na hindi pinakinggan ng Pangulong Duterte ang mga mungkahi na i-veto ang nabanggit na batas.
Ayon kay Angara, ang bagong batas ay magbibigay katuparan sa pangarap ng mga estudyante na magkaroon ng mas mabuti o maayos na buhay.
Diin naman ni Senator Aquino, ang milyun-milyong Pilipino ang panalo sa napakalaking repormang ito sa edukasyon.
Nakapaloob sa bagong batas ang pagbibigay ng libreng edukasyon sa State Universities and Colleges (SUCs), Local Universities and Colleges (LUCs) at vocational schools sa ilalim ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) simula sa ikalawang semester ng school year 2017-18.
Maliban sa tuition, sagot na rin ng pamahalaan ang miscellaneous at iba pang bayarin.