
Pinayuhan ni Senate President Tito Sotto III ang mga senador na kumilos kung nasasaktan sila sa pagtawag sa kanila na “Chinador” dahil sa alegasyong sila ay kakampi ng China.
Ilan sa mga kumakalat ngayon sa social media ay ang pagpapangalan sa walong senador ng minorya at isang senador ng mayorya na tunog Chinese at mayroon ding mapa ng West Philippine Sea kung saan nakalapat sa 9-dash line ng China ang mga mukha ng mga mambabatas.
Ang walong senador na ito ay sina Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano, Senators Rodante Marcoleta, Imee Marcos, Robinhood Padilla, Bong Go, Bato dela Rosa, Chiz Escudero, Joel Villanueva at mula sa majority na si Senator Pia Cayetano.
Payo ni Sotto, hanapin ng mga senador kung sino ang source o nasa likod ng pag-a-upload ng mga memes at caricature laban sa mga kasamahang mambabatas.
Aminado rin ang Senate President na nasasaktan siya kapag hindi kinakampihan ng mga kapwa Pilipino ang sariling bansa.
Matatandaang hindi lumagda ang 9 na senador sa resolusyong kumukundena sa pagbatikos ng China embassy sa mga senador at ilang opisyal ng bansa na nagtatanggol sa karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea.










