Mga senador na bumabatikos sa “no vaccine, no subsidy”, nadagdagan pa

Iginiit ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na hindi katanggap-tanggap, kawalan ng konsiderasyon at hindi makatao ang isinusulong ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na huwag bigyan ng ayuda ang mga benepisaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na hindi pa nababakunahan laban sa COVID-19.

Dahil dito ay umaapela si Drilon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na protektahan ang 4.4 milyong pamilya na benepisaryo ng 4Ps at huwag bibigay sa gusto ng DILG.

Diin naman ni Senator Panfilo Lacson, mali at makakasagasa sa karapatang pantao kung ipipilit ang pagpapaturok at partikular na brand ng COVID-19 vaccine.


Mungkahi ni Lacson at ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto, mas mainam na magbigay ng insentibo para mahikayat ang mamamayan na magpabakuna.

Tiwala naman ni Senator Joel Villanueva na hindi papayagan ng Senado ang nabanggit na panukala dahil magsisilbi lamang itong pahirap at parusa sa mga mamamayang hindi pa nakakatanggap ng bakuna.

Paliwanag ni Villanueva, Kung kulang pa rin ang bakuna at hindi pa nakakaabot sa lahat, kaya huwag sanang ipagkait ang mga ayuda sa mga hindi pa nababakunahan.

Giit naman ni Senator Nancy Binay, hindi tamang parusahan ang mga 4P recipients dahil ang malaking pagkukulang ay nasa ating mga ahensya.

Diin pa ni Binay, ang totoong problema ay ang kawalan ng access sa bakuna ng mga Local Government Units (LGUs) at private sector gayundin ang kakulangan sa suplay ng COVID-19 vaccine.

Una ring nagpahayag ng pagbatikos sa isinusulong na “no vaccine, no subsidy” policy sina Senators Risa Hontiveros, Koko Pimentel, Kiko Pangilinan, Manny Pacquiao at Christopher “Bong” Go.

Facebook Comments