14 na ang mga senador na lumagda sa resolusyong naglalayong i-censure o kondenahin si National Task Force to End Local Communist Armed Conflict o NTF -ELCAC spokesperson Lt. Gen. Antonio Parlade Jr.
Ang resolusyon ay iniakda ni Senate Minority Leader Franklin Drilon at kabilang sa mga lumagda ay sina Senate President Tito Sotto III, Senators Risa Hontiveros, Nancy Binay, Grace Poe, Sherwin Gatchalian, Leila de Lima, Richard Gordon, Ralph Recto, Joel Villanueva, Panfilo Lacson, Kiko Pangilinan, Koko Pimentel at Pia Cayetano.
Inihain ni Drilon ang resolusyon makaraang tawagin ni Parlade na istupido ang mga senador na nagsusulong na matanggalan ng budget ang NTF-ELCAC.
Para kay SP Sotto, ang pag-atake sa kanyang kapwa mga senador ay pag-atake sa senado bilang institusyon.
Nakasaad sa resolusyon ang walang habas na “red tagging” na ginagawa ni Parlade sa iba’t ibang indibidwal o personalidad, grupo at pati sa mga organizers ng community pantry.
Tinukoy rin sa resolusyon ang naging mga pahayag ni Parlade na walang basehan, malisyoso at mapanira.
Sa resolusyon ay iginiit din na labag sa konstitusyon ang pagtalaga kay Parlade sa NTF-ELCAC dahil bilang isang aktibong miyembro ng Armed Forces of the Philippines ay hindi ito maaaring humawak ng civilian position.