Mga senador na nagpapabawi sa itinaas na buwis sa private schools, nadagdagan pa

Dumagdag pa sina Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri at Sentor Nancy Binay sa mga gumigiit sa Bureau of Internal Revenue (BIR) na bawiin ang 25-percent na corporate income tax sa mga pribadong paaralan.

Apela ni Zubiri, ikonsidera ng BIR ang paghihirap ng mga pribadong eskwelahan ngayong may pandemya kung saan marami sa kanilang mga estudyante ang huminto sa pag-aaral.

Paliwanag naman ni Senator Binay, maraming mga private schools ang nagsara na dahil sa pandemya at kung ipapatupad ang revenue regulation na ito, ay siguradong mas marami pa ang tuluyan nang magsasara.


Hiling ni Binay sa panahong ngayon ay mas maging sensitibo sa paghihirap ng ating mga kababayan, tulungan silang maka-survive at huwag padapain tulad ng mga private schools na nagpupumilit na makabangon.

Kagunay nito ay tiniyak nina Zubiri at Binay ang suporta sa panukalang batas ni Senator Sonny Angara na naglilinaw na ang 10-porsyentong income tax sa mga private Educational Institutions ay ibinaba sa isang porsyento sa ilalim ng Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises o CREATE law.

Una ring umalma at nagpabawi sa kautusan ng BIR sina Senators Angara, Ralph Recto, Joel Villanueva, at Sherwin Gatchalian.

Facebook Comments