Dumagdag na si Committee on Justice and Human Rights Chairman Senator Richard Gordon sa gumigiit na imbestigahan ang pagtugis sa mga aktibista.
Diin ni Gordon, dapat itong imbestigahan ng Senado o ng Philippine National Police – Internal Affairs Service (PNP-IAS).
Nakakabahala para kay Gordon ang tila “culture of elimination” at “climate of kill, kill, kill” sa hanay ng pulisya.
Pinaalalahanan din Gordon ang mga otoridad na hindi lisensya ang search warrant para manlusob at mamaril ng walang habas.
Nangangamba si Gordon na ang “kill, kill, kill” na pahayag ni President Rodrigo Duterte, bagama’t posibleng eksaherasyon lang ay nagdudulot ng panganib.
Dagdag pa ni Gordon, kapag hinayaang makalusot ang ganitong mga pagpatay ay baka mawala ang prinsipyo ng demokrasya sa bansa na siyang nagbibigay proteksyon sa buhay at ari-arian base sa itinatakda ng batas.