Mga senador na pabor baguhin ang mga opisyal ng IATF, nadagdagan pa

Dumagdag na sina Senate President Pro Tempore Ralph Recto at Senator Risa Hontiveros sa mga senador na nais ng pagbabago sa Inter-Agency Task Force (IATF).

Ayon kay Recto, fast and furious ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa habang napakabagal naman ng vaccine rollout na nagpapakitang may problema ang makinarya ng gobyerno sa pagtugon sa pandemya at nanganganib ang buong bansa.

Bunsod nito ay iginiit ni Recto na hindi lang “change oil” ang kailangan sa IATF kundi mukhang dapat palitan na rin ang makina at driver sa pamamagitan ng pagkuha mula sa pribadong sektor tulad ng logistics expert na makatututok sa delivery ng bakuna.


Sabi ni Recto, puwede pa ring panatiliin si Health Secretary Francisco Duque III at Vaccine Czar Carlito Galvez Jr. ngunit ibang papel na.

Giit naman ni Senator Risa Hontiveros, i-overhaul ang IATF at palitan ang mga miyembro nito ng public health experts na may alam sa pagharap sa public health emergency.

Dismayado si Hontiveros sa mahigit isang taon nang hindi maayos na pandemic response dahil ang kasalukuyang nakaupo ay hindi alam ang ginagawa, hindi nakikinig sa mga eksperto at tumatanggi sa kanilang mga pagkukulang.

Una rito ay iminungkahi ni Senator Imee Marcos na buwagin ang IATF na sinang-ayunan naman ni President Vicente “Tito” Sotto III.

Facebook Comments