Mga senador na pumapalag sa pagbabalik ng operasyon ng POGO, nadagdagan pa

Iginiit ni Senator Risa Hontiveros na hindi na dapat payagan pa na muling makapag-operate sa pilipinas ang Philippine Offshore Gambling Operators (POGO) kahit maalis na ang umiiral ngayong lockdown dahil sa COVID-19 crisis.

Diin ni Hontiveros, walang halaga ang POGO at sangkot sa iba’t-ibang uri ng krimen tulad sa pagpapalaganap ng korapsyon at sex trafficking bukod sa hindi rin nagbabayad ng tamang buwis.

Dismayado naman si Senator Francis “Kiko” Pangilinan na ikinokonsidera pa ang negosyo at trabaho ng mga Chino sa POGO habang walang makain at walang hanapbuhay ang mga Pilipino dahil sa lockdown.


Pagtiyak ni Pangilinan, hindi naman nakakatulong ang POGO para madagdagan ang pondo ng gobyerno dahil mismong Department of Finance (DOF) na ang nagsabi na hindi nagbabayad ng bilyong-bilyong pisong buwis ang mga ito.

Tinukoy din ni Pangilinan ang pahayag ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa pagdinig ng Senado na umaabot sa ₱50 billion ang utang na buwis ng POGO sa ating bansa.

Nauna nang nagpahayag ng pagtutol sa pagbalik sa muling pagbubukas ng POGO sina Senators Franklin Drilon, Joel Villaneuva at Ralph Recto.

Facebook Comments