Kailangang magsakripisyo ng mga senador partikular ang mga re-electionist kapag dumating ang panahon na iaakyat na sa Senado ang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Ito ang sinabi ni Senate Minority Leader Koko Pimentel sa gitna na rin ng nalalapit na kampanya ng mga senador para sa midterm elections na posibleng sabayan ng impeachment sa Senado.
Ayon kay Pimentel, kahit mag-adjourn na ng sesyon ay tuloy pa rin ang impeachment trial dahil inaasahan ng mga tao na magsasakripisyo sila ng kanilang oras at alam din ng mga tatakbong senador na posible silang tumayong judge sa impeachment proceedings.
Ipinauubaya naman sa reelectionist na senador ang desisyon kung uupo o hindi sa impeachment court.
Gayunpaman, maituturing na political price na dapat pagbayaran ng isang nagpapa-reelect na senador kung makikita ng publiko na wala siya sa impeachment proceedings.