Mga senador na tutol sa pag-amyenda ng RTL, hinamong maglatag ng solusyon sa mataas na presyo ng bilihin

Hinamon ng ilang kongresista ang mga senador na tutol sa pag-amyenda sa Rice Tariffication Law (RTL) na magbigay ng solusyon sa mataas na presyo ng bilihin lalo na ang bigas.

Ang pag-amyenda sa RTL ay isinusulong ng Kamara sa pangunguna ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez upang mabigyan muli ng mandato ang National Food Authority na magbenta ng murang bigas sa merkado na posibleng mas mababa sa 30 pesos kada kilo.

Ayon kay PBA Party-List Rep. Margarita Nograles, pwede namang tutulan ng mga senador ang nabanggit na panukala sa anumang dahilan pero sana ay magbigay sila ng solusyon para sa kapakanan ng mga naghihirap nating mga kababayan.


Nais namang malaman ni Bukidnon Rep. Jonathan Keith Flores, ang dahilan ng pagtutol ng mga senador sa panukalang reporma ng RTL.

Paliwanag naman ni Zambales Rep. Jay Khonghun, nais ng Kamara na baguhin ang RTL upang mai-angkop sa pangangailangan ng bansa na mapababa ang presyo ng bigas na pangunahing pagkain ng mga Pilipino.

Apela naman ni Deputy Majority Leader for Communications at ACT-CIS Party-list Rep. Erwin Tulfo sa mga kasamahan sa Senado, unahin ang kapakanan ng taong bayan.

Facebook Comments