Mga senador, naalarma sa magkakasunod na hacking sa government websites

Naalarma na ang mga senador sa halos magkasunod na hacking sa mga government website kung saan pinakahuli ang Philippine Statistics Authority (PSA).

Hiniling ni Senator Sherwin Gatchalian ang malalimang imbestigasyon sa data breach sa PSA kasunod ng PhilHealth hack na hanggang ngayon ay hindi pa rin ganap na nareresolba.

Pinatutukoy agad ni Gatchalian sa Department of Information and Communications Technology (DICT) at sa National Privacy Commission (NPC) ang mga salarin na nasa likod ng pangha-hack at pagkompromiso sa data Community-Based Monitoring System (CBMS).


Iginiit ng senador na “crucial” o mahalaga ang CBMS dahil naglalaman ito ng mga personal na impormasyon na kinakailangan para sa pag-assess ng kahirapan hanggang sa barangay level.

Aniya pa, ang mga nangyaring hacking at data breach ay nagpapakita na hindi matatag ang imprastraktura ng bansa pagdating sa paglaban sa mga banta sa cybersecurity.

Samantala, sinabi naman ni Senator Mark Villar na ang mga cyber-attacks na ito ay hindi lang nakakakompromiso sa mga sistema at proseso ng mga ahensya kundi naglalagay rin sa panganib sa kaligtasan at privacy ng mga Pinoy.

Facebook Comments