Mga senador, nag-aalala para sa kaligtasan ng mga opisyal ng Pharmally na sina Krizel Grace Mago at Linconn Ong

Nababahala ang mga senador para sa kaligtasan ng dalawang opisyal ng Pharmally Pharmaceutical Corporation na sina Krizel Grace Mago at Linconn Ong na nagbanggit sa pagdinig ng Senado ng malalaking impormasyon ukol sa umano’y pagbili ng Procurement Service of the Department of Budget and Management (PS-DBM) ng overpriced na pandemic supplies.

Ayon kay Senate Blue Ribbon Committee Chairman Senator Richard Gordon, pinapahanap ni Senate President Tito Sotto III si Mago para mabigyan ng proteksyon.

Binanggit ni Gordon na nahihirapan na silang makontak si Mago makaraang aminin nito sa Senate hearing ang pagbago ng production date at pag-repack ng Pharmally sa substandard, kupi-kupi at maduming face shields na binili ng gobyerno para umano sa medical frontliners.


Ayon kay Senator Panfilo “Ping” Lacson, kanilang aalamin kung ano ang nangyari kay Mago.

Si Senator Risa Hontiveros handa ring proteksyonan si Mago kaakibat ang dasal na maging ligtas ito at maging bukas na makipagtulungan sa Senate investigation para sa katotohanan at kagalingan ng mga kapwa niyang nasa healthcare work.

Inihayag naman ni Senator Gordon na hindi na nila itinuloy ang paglipat kay Linconn Ong sa Pasay City Jail.

Sabi ni Gordon, napag-isipan nilang panatilihin sa Senado si Ong dahil pwede itong gawan ng masama o kunin ng sinuman kapag inilipat sa detention facility.

Maging si Lacson ay tiwalang mas ligtas si Ong sa kostudiya ng Senado.

Plano ng mga senador na magsagawa ng executive session o closed door hearing bilang tugon sa hiling ni Ong dahil may mga nais siyang sabihin na ayaw niyang isapubliko tulad ng halaga ng salapi na itinulong ni dating Presidential Adviser Michael Yang para makatugon ang Pharmally sa bilyun-bilyong pisong halaga ng kontrata na ini-award dito ng PS-DBM.

Facebook Comments