Mga senador, nagbabala na posibleng isunod ng mga hacker ang pagatake sa mga critical infrastructure ng bansa

Nababahala ang ilang mga senador na posibleng umpisa pa lang ng mas malaking problema ang serye ng hacking at data breach sa ilang mga ahensya ng gobyerno.

Parehong kinatatakutan nina Senator Sherwin Gatchalian at Senator Alan Peter Cayetano na lumawak pa hanggang sa mga critical infrastructures tulad ng kuryente, tubig, komunikasyon at iba pang sensitibong datos ang cyberattack na ginagawa ng mga hacker.

Ayon kay Gatchalian, hindi malabong ma-hack ang mga critical infrastructures lalo’t lahat ay dumedepende na sa paggamit ng internet lalo ngayon kung saan ang pagbabayad ng bills sa utilities at services ay sa pamamagitan na lamang ng cellphone at lahat ay interconnected na.


Payo ng senador, mismong ang mga kompanya ay dapat mayroong sariling cybersecurity officer, cybersecurity plan at may pondo para labanan ang mga ganitong cyberattacks.

Dagdag naman sa ikinakabahala ni Cayetano ay kung pati ang mga sensitibong paguusap o negosasyon sa ibang bansa at depensang panseguridad ay ma-hack, pati na ang mga lihim na impormasyon ng iba’t ibang propesyon at pagkakasakit ay hindi malayong maisapubliko dahil sa hacking.

Babala pa ni Cayetano na delikado ang hacking dahil sa isang iglap ay pupwede nitong sirain ang isang sistema o institusyon.

Hirit pa ng senador, kung hindi agad maaaksyunan ang problema sa hacking ay tiyak na mas masama at mas malala ang mga susunod na cyberattacks.

Facebook Comments