Makatwiran para sa mga senador ang pagpapalawig hanggang sa Abril 30 ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa buong Luzon.
Diin ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III, mabuti nang maging maingat para sa kaligtasan ng publiko sa halip na magsisi sa bandang huli.
Para kay Senator Sonny Angara, nararapat ang ECQ extension para maisakatuparan ang mass testing na susukat sa kabuuang health situation ng bansa.
Binigyang-diin naman ni Senator Francis Tolentino ang kahalagahan na suportahan ang ECQ extension dahil para ito sa kapakanan ng lahat.
Katwiran naman ni Senator Panfilo “Ping” Lacson, ang health at economic cluster ng Malacañang ang tanging makakapagpasya kung kailangang palawigin ang ECQ.
Buo naman ang paniniwala ni Senator Koko Pimentel na tama ang hakbang ng pamahalaan sa pagpapalawig ng ECQ upang matigil na ang pagkalat ng coronavirus.
Paliwanag ni Senator Joel Villanueva, mas maraming mamamatay dahil sa COVID-19 kung agad aalisin ang ECQ.
Maging sina opposition Senators Franklin Drilon, Francis “Kiko” Pangilinan at Risa Hontiveros ay nagpahayag din ng pakikiisa sa ECQ extension at mayroon din silang mga inilatag na mungkahi para matiyak na magiging epektibo ito.