Kahapon ay tinapos na ng Senado ang third regular session sa ilalim ng 18th Congress.
Sa kanyang talumpati ay iginiit ni Senate President Tito Sotto III sa papasok na 19th Congress na panatilihin ang integridad at independence ng Senado.
Matapos ang talumpati ni Sotto na isa sa mga magreretiro ay hindi napigilan ng mga kasamahan na maging emosyonal.
Mangiyak-ngiyak na niyakap si Sotto ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri at ng iba pang mga kasamahang senador.
Napaluha din si Senator Ronald Bato ng yakapin at magpaalam kay Senate Minority Leader Franklin Drilon.
Sa kanya namang talumpati ng pagpapaalam ay hindi napigilan ni Senator Richard Gordon na maghayag muli ng pagkadismaya sa hindi paglagda ng ilang kasamahan sa draft report ukol sa umano’y mga iregularidad sa pagbili ng gobyerno ng pandemic supplies sa Pharmally Pharmaceutical Corporation.
Si Senator Manny Pacquiao naman ay nagpahayag ng pag-asa na bibigyan ng taumbayan ng tsansa si President-elect Ferdinand Bongbong Marcos na patunayang karapatdapat siyang mamuno sa bansa.
Si Senate President Pro Tempore Ralph Recto ay nagbanggit ng nakakatawang aspeto ng mga kasamahang senador habang si Senator Panfilo “Ping” Lacson naman ay nag-wish ng good luck sa Senado na kaniyang iiwan.
Sa motion naman ni Senator Drilon ay nagpasa sila ng resolusyon na naghahalal kay Zubiri bilang Senate President Pro Tempore hanggang June 29.
Nagpatibay rin ang Senado ng mga resolusyon na nagbibigay ng pagkikila sa malaking ambag sa mataas na kapulungan at sa mamamayan at sa mahusay na pagtupad sa tungkulin nina Senators Leila de Lima, Francis Kiko Pangilinan, Drilon, Gordon, Lacson, Sotto, Zubiri, Pacquiao.
Samantala, sa mandatory class picture naman ng mga senador ay kanilang isinama ang standee ni Senator Leila de Lima na nananatiling nakakukong sa PNP Custodial Center.