Patuloy ang pakiusap ng mga senador Sa Bureau of Internal Revenue (BIR) na palawigin pa ang deadline ng filing ng income tax returns na nakatakda sa April 15.
Ayon kay Senate President Tito Sotto III, tinawagan nya si Finance Secretary Sonny Dominguez at nangako naman ito na magpapatawag ng pulong para talakayin ang nabanggit na apela.
Si Senator Francis Tolentino ay sumulat pa kay BIR Commissioner Cesar Dulay para sa naturang apela.
Diin ni Senator Christopher Bong Go, makabubuting palawigin ng isa pang buwan ang ITR filing na malaking tulong lalo na sa karamihan na halos walang kita at hanapbuhay ngayon.
Dagdag pa ni Go, hanggang April 12 ang umiiral na community quarantine at hindi sasapat ang nalalabing tatlong araw para ang lahat ay makapaghain ng itr bago ang April 15.
Paliwanag naman ni Senator Kiko Pangilinan, sa umiiral na National Internal Revenue Code, ay maaring i-extend ng BIR Commissioner ang deadline sa tinatawag na meritorius cases at maituturing daw na meritorius case ang sitwasyon ngayon na dulot ng COVID-19.
Maging si dating Senator JV Ejercito ay umapela sa BIR na tulungan ang bawat individual at negosyo na maka-survive sa nangyayaring krisis ngayon.