Mismong ang mga senador ay pursigido na dagdagan ang intelligence funds ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA) at National Security Council (NSC) para sa pagpapanatili ng seguridad at pagpapalakas ng depensa ng bansa.
Ayon kay Senator JV Ejercito, ang mga senador mismo ang nagpapanukala na dagdagan ang intel funds ng mga nabanggit na ahensya lalo’t lilipat na ang bansa sa pagpapaigting ng external o panlabas na depensa.
Sang-ayon dito ang senador, dahil kung siya ang tatanungin, mas dapat na naka-concentrate ang confidential at intelligence fund ng gobyerno sa NICA, Department of National Defense (DND), Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), National Bureau of Investigation (NBI) at sa iba pang ahensyang nakatutok sa intelligence gathering operations.
Mainam aniya na mapalakas ang intelligence, surveillance at reconnaissance dahil external defense na ang target ng bansa lalo na sa kasalukuyan nating kinakaharap na problema sa West Philippine Sea.
Aminado si Ejercito na kapansin-pansin ang paglaki sa alokasyon ng confidential fund sa ilang civilian agency tulad ng Department of Education (DepEd).
Umaasa ang mambabatas na ngayong nasimulan na ang pagbusisi ng select oversight committee on confidential and intelligence funds ay makakatulong ito para ma-assess ng mabuti ng mga senador kung aling ahensya ba talaga ang nangangailangan ng Cost, Insurance, and Freight (CIF).