Nagpaabot ng pakikiramay ang mga senador sa pagpanaw ni dating Marikina Mayor at dating MMDA Chairman Bayani Fernando.
Ayon kay Senate President Juan Miguel Zubiri, ikinabigla at ikinalungkot niya ang pagyao ng kanilang kapwa mambabatas na si Fernando.
Aniya, nakilala si Bayani Fernando bilang visionary na nangarap ng mga malalaking ideya at matapang na ipinatupad ito.
Tinukoy ng senador ang Marikina City na buhay na patotoo sa masigasig na pagtatrabaho at mataas na pangarap ng dating alkalde.
Sinabi pa ni Zubiri na nagkaroon siya ng pagkakataon na makatrabaho at makasama si BF sa Lakas-CMD at palagi niya itong maaalala bilang masipag na lingkod bayan na nagiwan ng marka sa bansa partikular na sa Marikina at sa buong Metro Manila.
Para naman kay Senator Lito Lapid, ang pagiging masigasig at ang makulay na personalidad ni Fernando sa mahabang panahon ng paglilingkod sa Marikina, sa Metro Manila at sa buong bansa ay nakaukit na sa kasaysayang pulitikal ng Pilipinas.
Dagdag naman dito ni Senator Francis Tolentino, ipinagluluksa ng lahat ang pagpanaw ng isang mahusay na lider na ang mga pagbabago at pagkamalikhain nito bilang MMDA Chairman ay nakatulong sa mga residente ng Metro Manila na pagtagumpayan ang mga hamon ng lungsod.
Nakilala si BF sa ginawang pagsasaayos at pagsisilbi nito bilang Marikina Mayor ng tatlong termino (1992-2001), mas lalo pang naging matunog ang pangalan noong naging MMDA Chairman taong 2002-2009 at naging Marikina Congressman taong 2016-2022.