Mga senador, nagpaabot ng pakikiramay sa pamilya ng yumaong dating Senador Rodolfo Biazon

Nagpaabot ng mensahe ng pakikiramay ang mga senador sa pagpanaw ni dating Senador Rodolfo Biazon.

Ayon kay Senate President Pro Tempore Senator Loren Legarda, maituturing na ‘true officer’ at ‘public servant’ si “Pong Biazon” na inialay ang buhay sa pagseserbisyo sa publiko.

Aniya pa, ang walang kapantay nitong paglaban sa seguridad at kapakanan ng bansa ay hindi kailanman malilimutan.


Sinabi naman ni Senator Grace Poe na nawalan ang bansa ng isang magandang halimbawa ng isang sundalo at mambabatas at palaging maaalala ng lahat ang mahahalagang nagawa nito sa pagpapalakas ng ating militar at mga naipasang batas.

Para naman kay Senator Risa Hontiveros, bago pa man siya maging mambabatas isa si Senator Pong sa pinaghugutan nila ng lakas na mga kababaihan at iba pang women’s advocates para ilaban ang pagapruba noon ng Reproductive Health Law kung saan isinantabi ng dating senador ang stereotype sa mga sundalo at ipinakitang siya ay lumalaban din sa karapatan ng mga kababaihan.

Ikinalugod naman nina Senators Ramon Bong Revilla at Jinggoy Estrada na nagkaroon sila ng pagkakataon sa Senado na makatrabaho si Biazon.

Ayon kay Revilla, si Biazon ay sumasagisag sa tunay na officer at gentleman na inialay ang kanyang buhay sa pagsisilbi sa Pilipinas at sa mga Pilipino kung saan malaki ang pakahulugan ng kanyang pagyao na tumapat din sa Araw ng Kalayaan ng bansa.

Sinabi naman ni Estrada na naging saksi siya kung paano inilaban noon sa Senado ni Sen. Biazon ang low-cost housing at pagtataas sa benepisyo ng mga sundalo.

Bukod sa napakahalagang asset ng institusyon at tunay na inspirasyon para sa lahat, ang mga ambag ng dating senador ay patuloy na huhubog sa kinabukasan ng mga susunod pang henerasyon.

Facebook Comments