Mga senador, nagpaalala sa publiko na huwag maging kampante sa harap ng bumababang kaso ng COVID-19 sa bansa

Mahigpit na pinaalalahanan ng mga senador ang publiko na huwag maging kampante sa harap ng bumababang aktibong kaso ng COVID-19 at lumuluwag na restrictions sa bansa.

Binigyang diin ni Committee on Health Chairman Senator Christopher “Bong” Go, delikado pa rin ang sitwasyon kaya dapat pairalin ang disiplina, kooperasyon at responsibilidad para sa kaligtasan ng lahat sa pamamagitan ng palaging pagsunod sa health at safety protocols.

Sabi naman ni Senator Joel Villanueva, dapat maging maingat ang lahat lalo’t marami pa ang mga hindi bakunado at marami rin ang nabigyan ng COVID-19 vaccine na mahina ang efficacy.


Babala naman ni Senator Nancy Binay, kung magiging kampante na naman ang lahat ay baka dumating sa punto na kailanganin muli na magpatupad ng lockdown na hindi na natin kakayanin pa.

Paliwanag ni Binay, ang alert Level 2 status ay hindi nangangahulugan na aabusuhin na ang pagpunta sa mga malls at pagkain sa labas.

Mungkahi pa ni Binay, magpakalat ng ‘compliance marshals’ na paulit-ulit na magpapaalala sa mga tao ng pagsunod sa mga health and safety protocols at dapat ay tuloy-tuloy pa rin ang testing sa mga komunidad at lokal na pamahalaan.

Giit naman ni Senator Risa Hontiveros, ituloy ang istriktong implementasyon ng health protocols lalo’t hindi pa nagsisimula ang pagbabakuna ng booster shots.

Umapela naman si Senator Manny Pacquiao sa mga negosyo at establisymento na napapaboran ng unti-unting pagbubukas ng ekonomiya na seryosong magsagawa ng social distancing at contact tracing protocols.

Facebook Comments