
Nanawagan si Senator Nancy Binay na huwag sanang makalimutan ang tunay na diwa ng EDSA ngayong ginugunita ang ika-39 na EDSA People Power Revolution.
Ayon kay Binay, makalipas ang apat na dekada ay nakakalungkot dahil mas hati ngayon ang Pilipinas kumpara sa nagkakaisa.
Apela ni Binay sa publiko, sa kabila ng mga naging hamon ay huwag sana nating hayaan na makalimutan ang diwa ng EDSA na pagkakaisa at ang ating utang na loob sa unsung heroes na lumaban noong Martial Law at unang nagbuwis ng kanilang buhay para sa demokrasya bago naganap ang EDSA People Power Revolution noong 1986.
Samantala, iginiit naman ni Senator Christopher “Bong” Go na hindi lamang tuwing anibersaryo ng EDSA People Power nararamdaman at ginagawa ang tunay na diwa ng EDSA.
Kung nais aniya ng lahat na umunlad ang bansa, hindi lang tayo dapat umaasa sa nakaraan dahil mas mahalaga kung paano ginagamit ang mga natutunan noon upang bumuo ng mas maayos na kinabukasan para sa bawat Pilipino.
Binigyang-diin pa ng mambabatas na dapat hindi lang alalahanin ang aral ng EDSA kundi isabuhay kasabay ng pahayag na mahalaga ang pagkakaroon ng tiwala ng taumbayan sa gobyerno.