Iginiit ni Senator Panfilo “Ping” Lacson na walang dapat pag-usapan kaugnay sa Revolutionary government dahil walang legal na basehan para ito ay isakatuparan.
Ayon kay Lacson, napaka-delikado nang pagsusulong ng Revolutionary government dahil hahantong ito sa pagkakahati-hati at kaguluhan o civil war.
Sinariwa naman ni Senator Sonny Angara ang hindi magandang nangyari sa bansa sa ilalim ng Revolutionary government at sa mga pagkakataon na ito ay isinulong.
Ipinaalala ni Angara na bumagsak ang ating ekonomiya at hindi naging maganda ang lagay ng lahat.
Binigyang-diin ni Angara na bahagi ng pag-mature natin bilang isang bansang Demokratiko ay ang pagtanggap ng pamumuhay sa ilalim ng saligang batas at pangingibabaw ng civilian rule kaysa sa batas o lakas ng militar.
Ipinaliwanag naman ni Senator Francis “Kiko” Pangilinan na hindi ang Revolutionary government ang dapat pag-usapan ngayon kundi ang pagrepaso sa pagtugon ng gobyerno sa COVID-19 pandemic na tila walang direksyon.
Sabi ni Pangilinan, ang kailangang talakayin ay kung paano tutugunan ng pamahalaan ang tumataas na bilang ng namamatay, patuloy na pagkalat ng virus, pagkagutom at pagkawala ng trabaho.
Ang nabanggit na pahayag nina Senators Lacson, Angara at Pangilinan ay reaksyon sa sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na bukas na siya sa mga pag-uusap kaugnay sa Revolutionary government.