
Iginagalang ng mga senador ang desisyon ni Pangulong Bongbong Marcos na tanggalin sa kanyang pwesto bilang PNP Chief si Police General Nicolas Torre III.
Sa tingin ni Senate President pro-tempore Jinggoy Estrada nalalaman naman ng Pangulo ang makabubuti para sa lahat at pinagkakatiwalaan niya na ang desisyon nito ay para sa “best interest” ng mga Pilipino.
Aminado si Estrada na noong una ay masama ang kanyang impresyon kay Torre at sa kanyang pananaw ay nagkaroon ang PNP ng pinaka-arogante na chief of police pero nakita naman niya na ginagawa nito ng maayos ang kanyang trabaho.
Samantala, naniniwala naman si Senator Raffy Tulfo na nagawa ng Malakanyang ang desisyong tanggalin sa pwesto si Torre para mawala ang tensyon at ito ay nirerespesto ng senador.
Para naman kay Senate Majority Leader Joel Villanueva, halos lahat ay nasorpresa sa pagalis kay Torre at bagamat may kaparehong pangyayari noon, hindi pa rin pangkaraniwan na biglang ma-relieve sa pwesto ang isang 4-star general at ang ipapalit ay 3-star na heneral.
Sa kabilang banda, iginagalang naman nila ang pasya at kapangyarihan ng appointing authority.









