Mga senador, pinabulaanan ang anila’y ‘fake news’ na papalitan na si Senate President Juan Miguel Zubiri

Itinanggi ng mga senador ang lumabas na balita sa isang pahayagan na papalitan na si Senate President Juan Miguel Zubiri dahil sa mababang output at kabiguang iprayoridad ang mga isinusulong na panukala ng pamahalaan.

Ayon kay Senate President Pro-Tempore Loren Legarda, wala itong katotohanan dahil ang Senate leadership katuwang ang mayorya at minorya ay masipag at produktibong nagta-trabaho.

Sa kabila rin aniya ng mga pinagtatalunan at magkakaibang posisyon sa mga isyu ay maayos din silang nakakapagtrabaho.


Iginiit naman ni Senate Majority Leader Joel Villanueva na walang basehan, kakatwa at malisyoso ang lumabas na artikulo at ito rin aniya ay desperadong hakbang para wasakin hindi lang ang reputasyon ng Senate president kundi pati ang pabagsakin ang integridad ng Senado bilang institusyon.

Kung si Senator Sonny Angara naman ang tatanungin, masyado pang maaga para husgahan si Zubiri at sa kanyang palagay ay mabuting leader at outstanding ang performance sa kasalukuyan ng Senate President at ng kanyang team.

Pinasinungalingan din nina Senators Grace Poe, JV Ejercito, Sherwin Gatchalian, Chiz Escudero at Nancy Binay ang anila’y ‘fake news’ dahil sa katunayan, kuntento at suportado nila ang liderato ni Zubiri.

Sinabi ni Ejercito na suportado ni Zubiri ang priority measures ng administrasyon pero hinahayaan ng ehekutibo ang Senado na mapanatili ang kanilang independence sa mga kontrobersyal na isyu na nangangailangan ng conscience vote.

Dagdag naman ni Poe, si Zubiri ang isa sa mga pinakaprogresibo, masipag at unifying na Senate president.

Naniniwala naman si Gatchalian na ang fake news na ito ay posibleng kaugnay sa mga isinusulong na amyenda sa Konstitusyon kung saan ang Senado ay may malaking papel na gagampanan para sa ikatatagumpay nito.

Facebook Comments