Mga senador, pinagsabihan ang PCOO officials at mga bloggers na maging responsable sa mga impormasyong inilalabas sa publiko

Manila, Philippines – Natapos na ang unang pagdinig ng Committee on Public Information and Mass Media na pinamumunuan ni Senator Grace Poe ukol sa pamamayagpag ng fake news lalo na sa social media.

Sa pagdinig ay pinagsabihan ng mga senador ang mga opisyal ng Presidential Communications Operations Office o PCOO at mga bloggers na maging responsable sa kanilng inilalabas na impormasyon sa publiko.

Katwiran ng mga bloggers, walang batas na nagre-regulate sa kanila at maaring magparusa sa kanila sa ngayon at aminado sila na ang kanilang mga ipinopost ay subject ng iba’t ibang interpretasyon na hindi nila kontrolado.


Sabi nina Senators Bam Aquino at Antonio Trillanes IV, dapat kahit wala pang batas laban sa fake news ay dapat alam ng mga ito kung ano ang tama at mali na ipost sa kanilang mga blogs at social media accounts.

Payo naman ni Senator Trillanes kay PCOO Assistant Secretary Mocha Uson at sa iba pang PCOO officials, bilang taga-gobyerno na maraming mga followers ay dapat berepikahin muna ng mga itong mabuti ang kanilang inilalabas na impormasyon dahil malaki ang posibleng impluwensya nito sa publiko.

Tinanggap naman ni Asec. Mocha ang mga payo ni Senator Trillanes at nagpapicture at nagshake hands pa siya dito matapos ang pagdinig.

Ayon kay Senator Poe, magkakaroon pa ng susunod na pagdinig na ang layunin ay bumalangkas ng batas laban sa mga nagpapakalat ng fake news.

Sabi ni Senator Poe, papadalhan na ng subpoena para matiyak na haharap sa susunod na pagdinig si Edward Angelo Cocoy Dayao na sinasabing nasa likod ng website na naglabas ng mapanirang artikulo laban sa 7 majority senators na hindi nakapirma sa resolusyon na humihiling sa Duterte administration na umaksyon laban sa tumataas na kaso ng patayan kung saan biktima din ang mga kabataan.

Facebook Comments