Mga senador, pinapabawasan ang mga eskwelahan na kasama sa pilot testing ng face-to-face classes

Iminungkahi ng mga senador sa Department of Education (DepEd) na bawasan ang bilang ng mga paaralan na kasama sa pilot testing para sa face-to-face classes.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Education na pinamumunuan ni Senator Sherwin Gatchalian ay sinabi ni DepEd Undersecretary Atty. Nepomuceno Malaluan, 1,579 na ang nominadong pilot schools para sa pilot testing.

Pinaalala ni Senator Imee Marcos na malinaw sa nakaraang pagdinig na pinag-usapang hindi na dapat paabutin pa sa 1,000 ang mga paaralang kasama sa pilot testing.


Payo naman ni Senator Nancy Binay, liitan lang ang bilang ng eskwelahan at gawing espesipiko ang detalye kung saan at paano gagawin ang face-to-face classes para mas malaki ang tsansa na katigan ito ni Pangulong Rodrigo Duterte o ng Inter-Agency Task Force.

Giit ni Senator Binay, mainam kung ibabatay ang rekomendasyon sa kung mababa na o zero COVID na sa isang lugar.

Suhestyon naman ni Senator Gatchalian sa DepEd, magpatulong sa epidemiologist sa pagdetermina kung ligtas o hindi ang isang lugar para sa face-to-face classes.

Diin ni Gatchalian, dapat magkaroon dito ng mas mahigpit na criteria tulad ng public health o science base at positivity rate.

Punto pa ni Gatchalian, hindi tamang ibase lang sa level ng community quarantine ang pagrekomenda ng pilot testing ng face-to-face classes.

Facebook Comments