Umalma ang mga mambabatas sa hamon ni House Majority Floor Leader Mannix Dalipe na ihayag na ng mga senador ang kanilang posisyon, kung pabor ba o hindi sa pag-amyenda sa Konstitusyon.
Giit ni Senate Minority Leader Koko Pimentel, ‘pointless’ o walang kabuluhan ang hamon ng kongresista dahil darating din naman sila sa puntong ito sa paraan na pormal at opisyal pa.
Kung ngayon pa lang aniya ay sasabihin na ang posisyon ng mga senador, ano pa ang magiging silbi ng mga konsultasyon na kanilang ginagawa ngayon sa Senado.
Reaksyon naman ni Senate Majority Leader Joel Villanueva sa hamon ni Dalipe ay “Who is he?” o sino ba ang kongresista?
Giit naman ni Senator Christopher Bong Go, respetuhin naman ng mga kongresista kung ano ang magiging posisyon ng mga senador sa chacha lalo’t batid naman ng Kamara na ongoing pa ang public hearing sa pagamyenda sa economic provisions ng Konstitusyon.
Hindi aniya dapat obligahin ang mga senador na magsalita dahil magiging bias na ang mga mambabatas kung ngayon pa lang ay ipaaalam na nila ang kanilang mga kanya-kanyang posisyon sa Cha-cha.