Hindi pinalampas ng mga senador ang banat ni Pangulong Rodrigo Duterte na puro porma at walang nangyayari sa mga pagdinig ng Senado.
Gustong maniwala ni Senate President Tito Sotto na baka misinformed lang si Pangulong Duterte kaya handa siyang padalhan ito ng listahan ng mga opisyal ng gobyerno na nasibak bilang resulta ng mga Senate investigation.
Giit naman ni Senator Richard Gordon, epektibo at makabuluhan ang mga pagdinig na isinagawa ng pinamumunuan niyang Senate Blue Ribbon Committee.
Inihanay pa ni Gordon ang mga naging resulta nito tulad ng paghabla, pagkabilanggo at pagkasibak sa pwesto ng mga tiwaling opisyal ng gobyerno.
Giit naman ni Senator Joel Villanueva, hindi libangan o pampalipas oras ang Senate investigation dahil ito ay bahagi ng kanilang constitutional duty at nakakatulong para maituwid ang mga baluktot na polisya, maingatan ang pera ng bayan, at matugunan ang mga krimen at iba pang usapin.
Katwiran naman ni Senator Francis “Kiko” Pangilinan, wala naman hearing sa Senado kung walang nirereklamo at dinadaing ang mga frontliners, mga hospital operators, mga doktor at nurse at pati mga Local Government Unit (LGU) officials na nanggagalaiti na at frustrated na sa palpak at tiwaling palakad sa Department of Health (DOH).
Payo ni Pangilinan sa Malacanang, pakinggan ang mga pagdinig ng Senado para malaman nila ang pagdurusa na dinaranas ng mga kababayan natin.
Diin naman ni Senator Risa Hontiveros, napakaraming naitutulong ng mga hearing sa Senado, hindi katulad ng pagdadabog ng pangulo tuwing hatinggabi, na walang ambag kundi bangungot.
Una ring ipinagmalaki ni Senador Panfilo “Ping” Lacson na maraming batas na pinakikinabangan ng taumbayan ang naipasa dahil sa mga pagdinig at imbestigasyong isinagawa ng Senado.