Mga senador, pumalag sa umano’y pambabastos ni PhilHealth President and CEO Emmanuel Ledesma sa pagdinig ng kanilang budget

Pumalag ang mga senador sa naging tono ng pagsagot ni PhilHealth President and CEO Emmanuel Ledesma kay Senator JV Ejercito sa gitna ng budget deliberation para sa pondo ng PhilHealth sa susunod na taon.

Sinuspindi ng Senado ang kanilang rules kung saan sa halip na senador ay pinayagang si Ledesma ang mismong direktang tumugon sa mga katanungan kaugnay ng paglilipat ng malaking savings ng PhilHealth sa National Treasury, ang hirit na government subsidy at ang hindi maramdamang epekto ng Universal Health Care Law.

Magkagayunman, hindi nagustuhan ng mga mambabatas ang paraan ng pagsagot ni Ledesma kay Ejercito matapos nitong igiit na mali ang senador na sisihin at ituro siya sa malaking cash reserve na naipon sa PhilHealth.


 

Nagpaalala sina Senate Majority Leader Francis Tolentino at Senator Sherwin Gatchalian kay Ledesma na sagutin ang mga senador nang may kapakumbabaan, may paggalang at hindi tumataas ang boses.

Samantala, napabalita ring binaba ni Senator Robin Padilla si Ledesma sa session hall matapos masaksihan ang naging pabalang na pagsagot nito kay Ejercito.

Ayon kay Padilla, wala aniya siyang karapatan na pagalitan ang sinumang kalihim pero inamin niyang pinayuhan niya si Ledesma nang lapitan ito gaya rin ng mga naging payo nina Tolentino at Gatchalian.

Nagbabala naman si Senate President pro-tempore Jinggoy Estrada sa lahat ng mga head ng mga ahensiya na sinuman ang mambabastos o hindi magbibigay ng nararapat na respeto sa mga miyembro ng Senado ay maaari nilang tanggalan ng budget at ito ay nagawa na nila noon at maaari nilang gawin ulit ngayon.

Facebook Comments