Mga senador, suportado ang imbestigasyon sa investment ng GSIS sa online gambling

Suportado ng mga senador ang pagpapaimbestiga sa ginawang pag-i-invest ng Government Service Insurance System o GSIS sa online gambling at sa mga kompanyang baon sa utang at hindi maganda ang track record.

Naghain ng resolusyon dito si Senator Imee Marcos habang nag-privilege speech din dito si Senator Risa Hontiveros para paimbestigahan ang report ng Department of Finance (DOF) na nag-invest ang GSIS ng higit P1 billion sa online gambling platform na Digiplus kung saan nalugi pa ang ahensya dahil bumagsak sa P13.68 ang halaga kada share samantalang nabili ito sa bawat share ng P65.30.

Ayon kay Senator Sherwin Gatchalian, ang pondo na hawak ng GSIS ay pinaghirapan ng mga manggagawa sa pamahalaan tulad ng mga guro, pulis at healthcare workers kaya marapat lamang na masilip ito ng Senado.

Hinimok din ng senador ang GSIS na makipagtulungan sa gagawing imbestigasyon.

Inaasahan naman ni Marcos na uungkatin ng Senate Blue Ribbon Committee ang isyu kung saan na-refer ang kanyang Senate Resolution 39 kung saan pinaiimbestigahan ang investments ng GSIS.

Handa naman si Senator Raffy Tulfo na busisiin kung sino-sino ang mga nangomisyon sa kwestyunableng investment na ito.

Facebook Comments