Mga senador, suportado ang mungkahi na humingi muna ng approval sa mga LGU sa itatayong proyekto

Sinusuportahan ng ilang mga senador ang nais ni Pangulong Bongbong Marcos na ibalik sa dati ang sistema sa mga ipinatatayong proyekto partikular ng Department of Public Works and Highways (DPWH) kung saan ihihingi muna ito ng permiso o approval mula sa mga lokal na pamahalaan.

Ayon kay Senator JV Ejercito, sang-ayon siya na dapat batid ng mga LGU ang mga proyekto upang sa gayon ay maiwasan na mangyari ang mga maanomalyang ghost flood control projects.

Tinukoy ng senador na sa ngayon kasi ay district office at DPWH districts lang ang nakakaalam ng mga proyekto.

Suportado rin ni Senator Erwin Tulfo ang ideya na kailangang may pag-apruba ng mga LGU ang mga gagawing government projects.

Pero giit ng senador, dapat ay masuri rin na ito ay papasa sa quality standard dahil sa huli ang mga lokal na pamahalaan at ang mga kababayan ang makikinabang sa proyekto na pinondohan ng pamahalaan.

Facebook Comments