
Suportado ng mga senador ang mungkahi ni Senate Minority Leader Tito Sotto III na magsagawa ng surprise random drug testing sa hanay ng mga empleyado sa Mataas na Kapulungan.
Ayon kay Senate Majority Leader Joel Villanueva, noon pa niya suportado ang panawagan para sa random drug testing sa lahat ng opisyal at mga empleyado sa Senado.
Kumpyansa si Villanueva na sa ilalim ng liderato ni Senate President Chiz Escudero ay maipagpapatuloy ang hakbang na ito at pagkakataon na rin ito para pagtibayin ang commitment ng Mataas na Kapulungan na itaguyod ang integridad ng institusyon.
Sinabi ng senador na siya mismo ay bukas na sumailalim sa anumang drug test at mahalagang maging mabuting ehemplo sila bilang mga civil servant ng bansa.
Para kay Senator Ronald “Bato” dela Rosa magandang hakbang ang random drug test upang masigurong drug-free workplace ang Senado.
Samantala, mariin namang itinanggi ni Atty. Rudolf Philip Jurado, Chief of Staff ni Senator Robinhood Padilla, na nag-resign na si Nadia Montenegro sa kanilang opisina.
Nilinaw ni Jurado na naka-leave lamang si Montenegro simula pa noong Miyerkules at hindi naman nila pwedeng i-suspend ito dahil nagpapatuloy pa ang imbestigasyon sa umano’y paggamit nito ng iligal na droga sa loob ng gusali ng Senado.









