Mga senador, suportado ang pagkakatalaga kay House Deputy Speaker Ralph Recto bilang kalihim ng DOF

Nagpahayag na ng pagkalugod ang mga senador sa pagkakatalaga kay House Deputy Speaker Ralph Recto bilang bagong Kalihim ng Department of Finance (DOF) bagama’t wala pang pormal na anunsyo rito ang Palasyo ng Malacañang.

Ayon kay Senate President Juan Miguel Zubiri, walang duda na magiging mahusay na Finance Secretary si Recto dahil ang kanilang dating kasamahan sa Senado ay itinuturing nilang “resident numbers genius”.

Aniya pa, hindi lamang ito dahil sa galing ng mambabatas sa matematika kundi sa kakayahan din nitong makita agad ang epekto ng mga numero sa ating ekonomiya.


Sinabi naman ni Senator Sonny Angara na ang kaalaman ni Recto sa political at fiscal structures ng bansa ay mayroong magandang idudulot sa atin sa hinaharap.

Suportado rin ni Senate Minority Leader Koko Pimentel ang appointment ni Recto lalo’t kaakibat ng posisyong ito ang isang mahirap na tungkulin.

Para kay Senator Chiz Escudero, isang magandang dagdag sa gabinete ni Pangulong Bongbong Marcos si Recto at susuportahan niya ito hindi lamang sa Commission on Appointments (CA) kundi sa lahat ng mga pagsusumikap nito bilang kalihim ng DOF.

Facebook Comments