Nagkakaisa ang mga senador sa pahayag ni Pangulong Bongbong Marcos na ipawalang-bisa agad kung mayroon mang umiiral na kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at China na tanggalin sa Ayungin Shoal ang BRP Sierra Madre.
Ang BRP Sierra Madre ay ipinwesto sa Ayungin Shoal noon pang 1999 bilang simbolo ng soberenya ng bansa sa ating exclusive economic zone sa West Philippine Sea.
Ayon kay Senate President Juan Miguel Zubiri, syento po syento niyang sinusuportahan si Pangulong Marcos at huwag lamang magkakamali ang China dahil ang Ayungin Shoal ay bahagi ng teritoryo ng Pilipinas at ang mga Chinese ang nang-squat sa palibot ng ating teritoryo.
Sinabi naman ni Senator JV Ejercito na panahon ng panunungkulan ng kanyang amang si dating Pangulong Joseph Estrada nang ipagutos nito na ipwesto ang BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal bilang simbolo ng ating soberenya at tanda ng ating teritoryo.
Wala aniya siyang maalala na may commitment noon ang gobyerno ng Pilipinas na alisin ang BRP Sierra Madre at ang lugar na iyon ay payapa at ang suplay ng pagkain at iba pang pangangailangan ng ating mga sundalo ay tuluy-tuloy hanggang sa kasalukuyan.
Giit pa ni Ejercito, walang dapat na ipawalang-bisa ang pamahalaan dahil unang-una ay wala naman talagang nangyari na ganitong kasunduan.
Maging si Senator Chiz Escudero ay sang-ayon at suportado ang posisyon ni PBBM sa naturang isyu.