Mga senador, tiwala sa kakayahan ni Special Envoy for Special Concerns to China Teodoro Locsin

Tiwala si Senate President Juan Miguel Zubiri sa kakayahan ni Ambassador Teodoro Locsin matapos itong italaga ni Pangulong Bongbong Marcos bilang Special Envoy for Special Concerns to China.

Ayon kay Zubiri, “perfect” sa nasabing posisyon si Locsin lalo’t bilang dating Foreign Affairs Secretary at dati ring Ambassador to the United Nations ay maituturing na bihasa at may sapat na karanasan siya sa pakikipag-ugnayan sa China.

Aniya pa, ang pagkakaroon ng familiarity ni Locsin sa mga lider ng China at ang pamamaraan ng gobyerno roon ang siyang dahilan kaya angkop na angkop ito sa nasabing tungkulin.


Sinabi naman ni Senator Grace Poe na isang sanay na diplomat at may kakayahan na lider si Locsin at wala rin itong takot na gawin ang mga kinakailangan para ilaban ang interes ng mga Pilipino.

Umaasa si Poe na makakatulong si Locsin para malayang makapaglayag sa West Philippine Sea ang ating mga kababayan gayundin ang depensahan at maprotektahan ang anumang pag-aari natin.

Para naman kay Senator Chiz Escudero, si Locsin ay may kakayahan talagang maging kinatawan ng bansa sa China pero ang pinakamahalagang kwalipikasyon ay ibinigay sa kanya ang tiwala at kumpiyansa ng pangulo na siyang ‘chief architect’ ng foreign policy ng Pilipinas.

Facebook Comments