Mga senador, tiwalang magagampanan ng mahusay ng mga bagong talagang kalihim ng DND at DOH ang kanilang tungkulin

Naniniwala ang mga senador na sapat ang kakayahan ng mga bagong itinalagang kalihim sa Department of Defense (DND) at sa Department of Health (DOH) para pamunuan ang mga ahensya.

Ayon kay Senate Minority Leader Koko Pimentel, sina Defense Secretary Gibo Teodoro at Health Secretary Teodoro Herbosa ay parehong may karanasan sa larangan na iniatas sa kanila kaya naman tiyak na mapapatakbo ng maayos ng mga Kalihim ang kanilang mga tanggapan.

Aniya pa, magiging hamon sa nagbabalik na DND Secretary ang lumalaking geopolitical tension sa pagitan ng China-Taiwan-US habang sa bagong DOH Secretary naman ay ang nag-uumapaw pa ring problema sa kalusugan na kinakaharap pa rin ng mga Pilipino.


Para naman kay Senator Grace Poe, tiwala siya na ang expertise at experience nina Teodoro at Herbosa ay makatutulong para magampanan ng mga ito napakaraming trabaho at mabigat na tungkulin.

Aniya pa, ang pagkakaroon na ng mga kalihim sa DND at DOH ay napakahalaga para sa pagpapasya at pagpapatupad ng mga estratehiya para sa pagtugon sa iba’t ibang isyung pangkalusugan at pagtaguyod sa territorial integrity ng bansa.

Dagdag naman ni Senator Chiz Escudero, pareho niyang nakatrabaho noon sina Teodoro at Herbosa at ang kakayahan, integridad at katapatan ng mga ito ay hindi makukwestyon at makabubuti para sa Marcos administration.

Facebook Comments