Mga senador, umaasang mapaplantsa ngayong araw ang gusot sa 2019 budget

Manila, Philippines – Ngayong umaga nakatakdang magharap ang mga kinatawan ng Kamara at Senado para talakayin ang isyu sa 2019 budget.

Kinatawan ng Senado sa nabanggit na pulong sina Finance Committee Chairperson Senator Loren Legarda, Senators Panfilo Ping Lacson at Gringo Honasan.

Umaasa si Senate President Tito Sotto III na ito ang magbubukas ng pinto para maresolba ang isyu kaugnay sa realignment na ginawa ng Kamara sa 2019 budget matapos itong maaprubahan sa bicameral conference committee at maratipikahan.


Ayon kay Legarda, mahalagang maayos na ang usapin sa 2019 budget para makausad na ang bansa.

Sabi naman ni Senator Lacson, handa silang makipagkasundo sa Kamara basta legal at naaayon sa konstitusyon.

Facebook Comments